MASAGANANG ANI

Bawat tao ay may kanya-kanyang kwento ng hirap at pag-unlad sa buhay. Isa talagang kahanga-hanga ang ang isang magsasaka na katulad ni Tatay Manolito Ramos Vida, apatnapu’t walong (48) taong gulang at nakatira sa Sitio Pulo Kaylaway, Nasugbu, Batangas.
Siya ang kasalukuyang pangulo ng Kaylaway-Aga Farmers and Irrigators Association Inc. Sila ang Samahan na nakikinabang sa Aga Pump Irrigation Project (PIP). Si Tatay Manolito ay may lawak na sakahang anim na ektarya.
“Ang buhay po naming noon ay talaga namang napakahirap. Dahil kung hindi ka kikilos at magbubungkal ng lupa ay talagang wala kang kakainin. Umaasa lamang kami sa sahod ulan upang kami ay makapag bungkal ng lupa,” ani ni Tatay Manolito.
Ang uri ng halaman na kanilang pangkaraniwang itinatanim ay mga kamoteng baging, mani, mais na kalimitan ay di kailangan ng tubig.
Ani pa niya, buhat nang magkaroon ng proyekto ang National Irrigation Administration (NIA) ay nagkaroon na sila ng kakayahang makipagsabayan at makapagtanim ng ibat-ibang uri ng halaman.
“Dahil sa tulong na binigay ng NIA sa amin, mas lumaki ang kita ng aming samahan”, dagdag pa nya.
Higit sa lahat, nakapagpatapos si Tatay Manolito sa kolehiyo ng dalawa niyang anak at may kasalukuyan pa siyang pinag-aaral. Bukod pa doon, naipa-ayos at napakonkreto niya din ang kanilang bahay.
“Dahil sa pagsusumikap at pagtitiyaga ay nabiyayaan din kami ng Department of Agriculture (DA) ng mga kagamitan na makakatulong sa amin upang mapabilis ang aming pagsasaka. Narito ang gilingan ng palay, “kiskis” kung tawagin dito sa amin. Mayroon din kaming traktora na gamit sa pagbubungkal ng lupa”, ani pa nya.
Lubos ang kanyang pasasalamat sa tulong na ipinagkaloob ng NIA para mapatubigan ang kanilang mga sakahan hindi lang sa kanya kundi sa buo nilang samahan na tunay na nagdulot ng kasaganahan sa kanilang buhay.