Siguradong ayuda sa mga magsasaka ng Lucena, handog ng iba’t-ibang Ahensiya.

Tuesday, November 14, 2023 - 10:00

November 14 - Ilan sa mga miyembro ng magsasaka na bahagi ng tatlong Irrigators Associations (IAs) sa Lucena City, Quezon ang direktang makikinabang sa Rice Agricultural Service Provider (ASP) Program ng Quezon Provincial Government katuwang ang iba’t-ibang Ahensiya na tumututok sa agrikultura kabilang ang National Irrigation Administration.

Nasa may isang daang ektarya ng mga palayan sa Brgy. Mayao Castilo sa nasabing lungsod ang mabibigyan ng suporta tulad ng pataba, binhi, at ilang makinarya na malaki ang maitutulong sa pagpapaunlad ng agrikultura sa lugar.

Sa loob ng limang (5) taon nilalayon ng programa na maalalayan ang nasa kabuuan na 619 ektarya ng mga palayan sa lugar na sakop ng Dumacaa River Irrigation System (RIS).

Binigyan diin ni NIA Quezon IMO Manager Engr. Edwin Nazareno na ang programa ay isa rin sa mga tugon ng pamunuan ng NIA CALABARZON, sa pangunguna ni Regional Manager Engr. Roberto Delacruz, sa naisin ni NIA Administrator Eduardo Guillen na ilapit ang mga magsasaka sa iba’t-ibang Ahensiya ng gobyerno na makakatulong sa pag-angat ng kanilang kabuhayan.

Batid naman ni Sr. Institutional Development Officer Ms. Lara Javan ang kahalagahan ng programa bilang pagpapakita ng mas maayos na ugnayan ng mga Ahensiya ng gobyerno para sa sektor ng agrikultura.

“Indikasyon ito na mula National hanggang sa Local na pamahalaan ay nakikiisa sa hangarin ng pamahalaan na makamit ang food security”, dagdag niya.

Tinatarget ng programa na pataasin ang ani ng mga magsasaka mula sa 3.5 tonelada kada ektarya hanggang lima hanggang pitong (5-7) tonelada kada ektaryang ani ng palay upang maging aktibong kabahagi ng merkado kung saan nabibili direkta ng publiko ang mga produkto at ani ng magsasaka sa abot-kayang halaga.

Ilan sa mga IA na magkakaroon ng oportunidad upang palakasin ang kanilang samahan ay ang Mayao Castillo Lucena IA, Dalampasigan Dumacaa IA, at Dakilang Sulok IA.

#NIA #bayaNIAn #TuloyAngDaloyNIA