Sama-samang paglilinis ng kanal, inilunsad sa Infanta

Thursday, November 9, 2023 - 10:00

November 9 - Pinangunahan ng NIA Quezon IMO, ngayong araw, ang ikatlong taon ng Simultaneous Irrigation Clean-Up Drive para sa Agos River Irrigation System sa Infanta, Quezon.

Ang nasabing initiative ay isa sa mga ‘Best Practices’ ng NIA QIMO kung saan pinapakita ang matibay na ugnayan ng NIA at Local Government Unit (LGU) upang suportahan ang sektor ng agrikultura.

Ang aktibidad ay alinsunod sa Batas Pambayan Blg. 33 series of 2021 na nagtatakda sa buwan ng Nobyembre bilang buwan ng sama-samang paglilinis ng mga sistemang patubig sa nasabing bayan.

Binigyang diin ni NIA QIMO Division Manager Engr. Edwin Nazareno na ang malinis na patubig ay magbubunsod sa mas mataas na ani at magbibigay daan sa mas malaking kita para umangat ang kabuhayan ng magsasaka.

Ayon naman kay NIA IV-A Operations Chief Engr. Carlos Dela Cruz ang gawain na ito ay bahagi ng Operations and Maintenance (O&M) activity ng Ahensiya upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng mga irrigation canals na siyang dinadaluyan ng tubig papunta sa mga sakahan.

“Malaki ang maitutulong nitong clean-up drive na ginagawa natin hindi lamang para maayos na dumaloy ang patubig sa mga palayan kundi magbukas din ng kamalayan para mas palawakin ang community involvement ng publiko sa kahalagahan ng malinis na patubig”, saad ni Engr. Dela Cruz.

Kabilang sa mga nakiisa sa clean-up drive ang lahat ng baranggay sa Infanta, Municipal Environment and Natural Resources Office, Office of the Municipal Agriculturist, Municipal Agriculture and Fishery Council, Northern Quezon College Inc., Southern Luzon State University (SLSU) - Infanta Campus, Philippine Army, and Irrigators Associations (IAs).

#NIA #bayaNIAn #TuloyAngDaloyNIA