NIA, DAR patuloy na umaalalay sa magsasaka sa Rizal

Tuesday, March 21, 2023 - 08:45

Pinangunahan nina NIA Regional Manager Wilson Lopez at Department of Agrarian Reform (DAR) - Rizal PARPO I Ms. Glynise Kae Ijiran ang Ceremonial Turnover ng Pinugay-Baliksaka PCIS Extension sa Sitio Baliksaka, Brgy. Pinugay, Baras, Rizal

Ang nasabing proyekto ay isang extension project kung saan ang naunang proyekto ay nailipat na sa pamamahala ng Baliksaka Farmers Association Inc. sa pangunguna ni IA President Rhodora Rey noong taong 2021.

Si Laguna-Rizal IMO Manager Engr. Armando Flores ang nanguna sa pagbahagi ng impormasyon at detalye patungkol sa proyekto.

“Pagyamanin pa natin yung ating pagsasaka sa pamamagitan nitong mga sistemang patubig na ipagkaloob ng NIA at DAR”, saad niya.

Ang nasabing proyekto ay inaasahan na makapagpapatubig sa karagdagang dalawampung (20) ektaryang sakahan at magiging parte ng kabuuang siyamnapu’t dalawang (92) ektaryang service area sa lugar.

“Kami po ay nagpapasalamat sa lahat ng biyaya na pinagkaloob sa amin ng gobyerno. Dahil sa proyektong ito maayos na kaming nakakapag second crop ng aming mga pananim”, pasasalamat ni IA President Rhodora Rey

Ang proyekto ay natapos noong nakaraang taon sa pamamagitan ng Comprehensive Agrarian Reform Program - Irrigation Component (CARP-IC) na layon na sumuporta sa may walumpu’t dalawang (82) Agrarian Reform Beneficiaries na bahagi ng Agrarian Reform Community.

Nanawagan naman si PARPO Ijiran sa mga magsasaka na pangalagaan ang sistemang patubig upang mas maraming magsasaka pa ang makinabang dito sa mga susunod na taon.

“Ito po ay suporta ng gobyerno para mapadali ang inyong pagsasaka at paunlarin ang inyong kabuhayan. Alagaan po natin ito para mas matagal pa natin na mapakinabangan”, panawagan ni PARPO Glynise Ijiran

Ibinahagi naman ni Regional Manager Lopez ang ilan sa mga hangarin ng Ahensiya sa ilalim ni National Irrigation Administration Administrator Engr. Eduardo Eddie G. Guillen. Kabilang dito ang pagpapababa ng lebel ng kahirapan sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng mga makabagong pamamaraan ng pagsasaka, pagpapalakas ng mga Irrigators Associations, at maayos na koordinasyon sa mga Local Government Units (LGUs).

“Bukod sa dagdag na mga proyektong patubig, ang kailangan po natin ay i-maximize yung paggamit ng ating mga irrigation facilities para mas mapalaki yung volume ng ating mga ani”, banggit ni RM Lopez.

Kasama sa programa ang lahat ng miyembro ng BFAI, opisyales ng baranggay, mga kawani ng DAR, at kawani NIA.

#NIA #bayaNIAn #TuloyAngDaloyNIA