Farmers Field Day sa Lucena City, Quezon

Monday, May 6, 2024 - 12:00

Nagsagawa ng Farmers Field Day ang mga magsasaka na bahagi ng tatlong Irrigators Associations (IAs) sa Lucena City, Quezon na direktang makikinabang sa Rice Agricultural Service Provider (ASP) Program ng Quezon Provincial Government katuwang ang iba’t-ibang Ahensiya na tumututok sa agrikultura kabilang ang National Irrigation Administration, PhilMech, PhilRice at City Agriculture Office.

Nasa isang daang ektarya ng mga palayan sa Brgy. Mayao Castilo sa nasabing lungsod ang nabigyan ng suporta tulad ng pataba, binhi, at ilang makinarya na malaki ang maitutulong sa pagpapaunlad ng agrikultura sa lugar.

Sa loob ng limang (5) taon o sampung (10) anihan, nilalayon ng programa na maalalayan ang nasa kabuuan na 619 ektarya ng mga palayan sa lugar na sakop ng Dumacaa River Irrigation System (RIS). Layunin ng nasabing programa na mapataas ang ani mula 4.2 na tonelada hanggang 5-7 tonelada kada ekyarya.

Ngayong araw nga ay isinagawa ang unang pag-aani sa proyektong ASP at mula sa average na 4.2 tonelada bawat ektarya nuong nakaraang taon ay umani ito ng nasa 5.9 tonelada ngayon.

Makikita sa nasabing programa ang kahalagahan ng may maayos na ugnayan ng mga Ahensiya ng gobyerno para sa sektor ng agrikultura upang matulungan na mapataas ang ani at mapaunlad amg kabuhayan ng mga magsasaka.

Ang ilan sa ani ng mga magsasaka ay mabibili ng publiko sa pamamagitan ng Kadiwa sa abot-kayang halaga.

Ilan sa mga IA na magkakaroon ng oportunidad upang palakasin ang kanilang samahan ay ang Mayao Castillo Lucena IA, Dalampasigan Dumacaa IA, at Dakilang Sulok IA.

#NIA #bayaNIAn #TuloyAngDaloyNIA #BagongPilipinas #NIAGearUp