Ceremonial Turnover ng Camflora Small Irrigation Project

Wednesday, March 20, 2024 - 10:30

10-Milyong Halaga ng Proyektong Patubig, Pakikinabangan na ng Magsasaka sa Quezon. 

March 20 - Magkakaroon na ng maayos na patubig ang nasa may dalawampung (20) ektarya ng sakahan sa San Andres, Quezon matapos pangunahan ni NIA Quezon IMO Manager Engr. Romulo Angeles, San Andres Municipal Mayor Ralph Edward Lim, at Department of Agrarian Reform MARO Ms. Irene Mercado ang Ceremonial Turnover ng Camflora Small Irrigation Project (SIP) sa Sitio Umagos, Brgy. Camflora sa nasabing bayan. 

Inaasahan na susuporta ang nasabing sistemang patubig sa may labinlimang (15) magsasaka at Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na kasapi ng Samahan ng mga Magsasaka sa Sitio Umagos (SMSU) Inc. 

“Kami po ay nagpapasalamat sa pamunuan ng NIA at DAR dahil sa haba ng panahon ngayon lang po kami nakadama ng ganitong klase ng tulong mula sa ating gobyerno”, saad ni SMSU IA President G. Leberato Bancat Sr. 

Ang proyekto ay naisakatuparan dahil sa mas pinaigting na  pagtutulungan ng NIA at DAR sa pamamagitan ng Comprehensive Agrarian Reform Program - Irrigation Component (CARP-IC). Bahagi ng proyekto ang construction ng diversion works, canal structures, canal lining, at pipe lining. 

“Itong proyekto na ito ay hindi lamang makakatulong sa kabuhayan ng aming magsasaka kundi magbibigay din ng inspirasyon sa aming bayan upang makamit ang progreso na aming minimithi”, mensahe ni Municipal Mayor Ralph Edward Lim. 

Ipinagmalaki naman ni DM Angeles, bilang kinatawan ni Regional Manager Roberto Dela Cruz, na bunga ang proyekto ng maayos na koordinasyon ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaan na naglalayon na masuportahan ang sekto ng agrikultura. 

“Ito ang nais ni NIA Administrator Engr. Eduardo Eddie G. Guillen na suportahan ang food security initiative ni President Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng pagsuporta at pagpapayabong ng ating mga agricultural lands. Kaya naman hinihiling namin sa ating mga magsasaka na alagaan natin ang patubig na ito at ‘wag tayong mag agawan sa patubig”, dagdag ni DM Angeles. 

Ayon kay CARP-IC Engr. Jomar Tinaza, nagsimula ang proyekto noong Abril 2023 at natapos nitong Disyembre sa parehong taon. 

#NIA #bayaNIAn #TuloyAngDaloyNIA #BagongPilipinas #NIAGearUp